Halos P115 Milyon na ang savings ng ARDCI members
Mula sa maliit na P10 kada linggong ipon ng mga miyembro ay sino ang magaakalang aabot na ito ng milyun-milyong halaga sa pag-usad ng panahon?
Sa katunayan ay marami ang 'di umaasang makakapa-ipon ang mga miyembro ng ARDCI kada linggo lalo pa nang nag-uumpisa pa lang ang programa noong 1998. Una ay dahil halos wala sa kultura nating mga mahihirap na Pinoy ang mag-impok, at pangalawa, ay napakaliit daw ng P10 upang magkaroon ng malawak at malalim na 'impact' sa kabuhayan natin.
NAGING TABOO TALAGA ANG PAGPAPAUTANG SA MGA MAHIHIRAP
Sa mundo ng pagbabangko ay talagang hindi kinilala ng marami sa industriya ang mga mahihirap bilang isang sektor na puwedeng pautangin o pagkunan ng 'savings' o impok na pera. HINDI RAW MAPAGKAKATIWALAAN ANG MGA MAHIHIRAP.
Nagbago lang ang pananaw na 'to nang itinayo ni Mohammad Yunus ang Grameen Bank sa Bangladesh, kung saan napatunayan nilang marunong ding magbayad ng utang ang mga mahihirap at natututunan din nila ang kahalagahan ng pag-impok o pag-iipon ng pera.
Ginising ni Yunus ang industriya at sa proseso ay nabuksan ang daan para mabigyan ng pagkakataon ang mga mahihirap na magpundar ng mga munting negosyo sa tulong ng 'micro-finance.' Dahil dito ay tunay na karapat-dapat lamang na pinarangalan ang propesor na ito ng Nobel Prize.
HINDI TATAYO ANG MICRO-FINANCE KUNG WALANG 'SAVINGS'
Sa mula't mula'y binigyang diin na ng ARDCI ang kahalagahan ng pag-iimpok ng pera o 'savings' habang itinatayo pa lang ang mga SLS o grupo ng mga miyembro sa mga barangay. Kaya sa paglaon ay naging kultura na ito sa ARDCI at marami na rin ang pakinabang na naidulot nito sa mga miyembro.
Nakakatuwang malaman na marami nang miyembro ang may libu-libong 'savings' sa kanilang 'account.'
ANG 'SAVINGS PRODUCTS' NG ARDCI SA KASALUKUYAN
Ang ARDCI ay nagsimula sa dalawang klase ng 'savings': Forced Savings na may nakapakong halagang inilalagak kada linggo (P10); at Optional Savings na depende sa kagustuhan ng miyembro.
Sa ngayon ay marami nang uri ng 'savings' ang mapipilian ng mga miyembro:
1. Capital Build Up o CBU na obligadong punan ng miyembro: P30 kada linggo
2. Voluntary Savings na depende sa kagustuhan ng miyembro. Ito'y may iba't-ibang klase:
a. Celebration Savings na laan para sa mga inaasahang okasyon gaya ng birthday, fiesta, anibersaryo, atbp.
b. Education Savings na laan para sa mga pangangailangang pang edukasyon.
c. Remittance Receivers na laan para sa mga miyembro na tumatanggap ng padala mula sa mga kapamilyang nasa abroad o sa labas ng probinsiya.
d. Retirement/Emergency Savings na laan sa mga 'di inaasahang pagkakagastusan at pati na rin sa pangangailangan sa pagtanda ng miyembro.
INTERES SA 'SAVINGS' AT MGA PATAKARAN
Ang CBU ay maaari lamang i-withdraw kapag nag-resign na o nag-retiro na sa programa ang miyembro. Ito'y kumikita ng 5% kada taon.
Ang mga Voluntary Savings ay maaaring i-withdraw anumang oras naisin ng miyembro. Ang interes sa ilan sa mga ito ay mula 5% hanggang 10% kada taon depende sa laki ng nailagak na pera at kung gaano ito katagal nakalagak sa account.
NAPATUNAYAN NA
Malaki ang pagbabagong naramdaman ng mga miyembro nang sila'y mag-umpisang mag-impok. Marami sa kanila ay nagpapasalamat at natutong makapag-laan ng pera para sa hinaharap. Marami sa kanila ay namamangha sa kanilang sarili kung paano sa paunti-unti ay nakalikom sila ng libong halaga sa 'savings' na kanilang mapagdudukutan sa panahon ng pangangailangan.
Kaya't hinihikayat po namin ang 'madlang pipol' na sumali na at magsimulang planuhin ang kinabukasan sa ilalim ng mga programa sa ARDCI.
SAMANTALA, ISANG PAGPAPASALAMAT
Sa ngalan ng lahat ng kumakatawan sa ARDCI, mga miyembro at empleyado nito, lubos po naming pinasasalamatan ang pamunuan ng Regina Shipping Lines sa pangunguna siyempre ni Gob. Joseph Cua at ang kanyang kapatid na si Mr. Peter Cua, sa kanilang ibinibigay na suporta sa organisasiyon.
Sa kabila po ng suportang ito ay nais naming linawin na kailanman ay 'di ito ginamit ng butihing gobernador sa anumang pulitikal na usapin. Sa katunayan ay hindi kailanman nabahiran ng kolor pulitika ang ARDCI. Ito'y laging handang sumuporta sa mga adhikaing magpapaunlad sa ating mga kababayan, sinuman ang mga nakapuwesto sa gobyerno.
Nais din naming batiin ang RSL sa kanilang bagong barkong ilalayag sa ating mga karagatan ngayong taon. Ang blessing at 'inauguration' ay ginanap nang nakaraang linggo sa San Andres port. Mabuhay po kayo at sana'y magpatuloy pa ang ating magandang samahan, para sa kapakanan ng ating bayan!