ANG MARAMING MUKHA NG KADUKHAAN
Para sa linggong ito ay ating tatalakayin ang kahirapan o kadukhaan sa ating lipunan at ang mga konseptong kaakibat nito.
Ito'y upang maintindihan natin ang mga anyo ng kadukhaan nang sa gayon ay mabigyan tayo ng malinaw na larawan patungkol sa suliraning ito at atin itong matugunan sa naayong paraan.
KADUKHAAN SA PILIPINAS
Kamakailan lang ay narining ng buong bansa ang Pangulong Benigno 'Pinoy' Aquino III. Sa kanyang SONA ay ipinagmalaki niya na nabawasan raw ang bilang ng mga pamilyang nagugutom sa Pilipinas ayon sa pinakahuling talaan ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon.
Marami ang tila hindi naniniwala sa mga 'survey' na ito. Marahil anu man ang sabihin ng pamahalaan ay may mga pamilyang patuloy na naghihikahos at sumasalamin sa tunay na kondisyon ng pamumuhay sa bansa.
Ang rehiyong Bicol ay isa sa pinakamahirap na rehiyon sa Pilipinas. Kaya marahil ay marami sa atin ang talagang hindi mkapaniwala sa mga nasambit ni Pinoy.
Sa Catanduanes na lamang, kung bubusisiin nang husto ang pamumuhay sa atin ay mababatid nating di hamak na mas mahirap magpundar ng pamilya rito dahil sa:
Mas mataas na presyo ng gasoline kumpara sa ibang lugar;
Mas mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, asukal, mantika, mga dilate at iba pang mga "grocery items." At mas tumataas pa ang presyo nito pagdating sa mga remote barangays dahil sa kahirapan sa transportasyon.
Kung kaya't mas mabigat ito para sa mga kababayan nating malayo na nga sa kabihasnan, kulang pa ang kinikita sa araw-araw;
Mas mataas na presyo ng kuryente at tubig ( ang Pilipinas na ang may pinakamataas na singil sa kuryente sa Asya; at ang Catanduanes naman ang isa sa may pinakamataas na singil sa bansa)
Mantakin niyo na lang kung gaano kabigat ito sa ating budget.
Mas mataas na nga ang mga presyo sa atin, pinakamababa naman ang "minimum wage" ditto dahil sa mga klasipikasyong gawa ng mga mauutak na teknokratiko sa Maynilang wala naming direktang karanasan sa kahirapan.
KADUKHAAN HINDI LANG SA PANANALAPI
Nakagawian na nating isipin na ang kadukhaan ay nasusukat lamang sap era. Para sa mga ekonomista , ang kadukhaan ay ang kakulangan o kawalan ng limang uri ng capital: pera, tao, natural na materyales, pisikal o imprastraktura, at sosyal.
Sa makatuwid, ang pagiging dukha ay kondisyon kung saan kulang o walang salaping maaaring ipambili ng mga pangangailangan o gamiting puhunan, walang sapat na kakayahang matustusan ang
pangangailangang pangkalusugan o pang edukasyon upang ang mamamayan ay malusog at may kakayahang magtrabaho o magnegosyo, walang magamit na mga "natural resources" na puwedeng
pagkunan ng materyales sa aktibidad na pang ekonomiya, wala o kulang na mga imprastraktura tulad ng kalsada, kuryente, tubig, gusali, health centers, o paaralan na makakatulong sa mga aktibidad pang
ekonomiya, at wala o kulang sa mga sosyal na pangangailangan tulad ng mga samahan, organisasyon o grupo ng mga mamamayan na magsusulong ng mga adhikaing pangkabuhayan.
Sa ipinakitang larawang ito, maaari nating timbangin ngayon ang ating lipunan at makilatis kung natutugunan ban g pamahalaan ang mga kakulangang ito na siyang magtatawid sana sa ating mga kababayan palayo sa kahirapan.
PERO MARAMI PA ANG ANYO NG KAHIRAPAN
Ngunit marami pa ang mukha ng kadukhaan. May dukha sa sosyal na pangangailangan, may dukha sa kalikasan, may dukha sa political na aspeto, may dukha sa kamalayang panlipunan, amy dukha sa siyensya at teknolohiya, may dukha sa palakasan at kalusugan, at may dukha sa ispiritwalidad.
Totoo ang sinabi ni Kristo na ang tao'y di mabubuhay sa tinapay lamang.
Itutuloy….